Nakaupo ako ngayon sa harap ng computer dito sa San Marcelino, Manila.
Gumagawa ako ng Lesson Plan at magpapaprint ng visual aids na gagamitin ko sa pagtuturo bukas sa lima kong klase, maya maya lang ay mamimili ako ng ilang mga kagamitang makakatulong sa akin para sa pagtalakay sa klase.
Nag-oojt na kasi ako ngayon sa Makati High School. Kahit papano ay ramdam ko na ang sarap ng pagiging isang guro... masaya, masakit sa ulo pero talagang nakakataba ng puso lalo na kapag nakikita mo ang mga estudyante mong natututo sa mga talakayan. Masarap ding malaman na kadalasan ay hindi ikaw ang nagtuturo sa mga bata, bagkos sila ang nagtututo sayo ng mga bagay na inaakala mong alam mo na. Ipinapakita ng mga batang ito ang tunay na reyalidad ng buhay.
Mahirap maging mahirap talaga... sabi nga ng isang estudyante, "buti pa ang pera may tao, ang tao wala namang pera"... Nakakatawang isipin pero totoo nga naman. Karamihan sa mga estudyante lalo na sa public school ay kapos sa pera at tipid na tipid pagpumapasok.
Meron akong nakapanayam na estudyante, repeater sya at medyo nahihiya na siyang pumasok kasi daw sya lang ang repeater sa klase. Tinanong ko kung ano ang dahilan kung bakit siya nagrepeat, "Family at financial problem", mabilis nyang isinagot sa akin. Dalawang beses na sya sa parehong taon at sa parehong dahilan din. Nakakalungkot lang isipin na ang pag nanais ng bata na makapag-aral ay nahahadlangan ng mismong pamilya at ng problema sa pera.
Noong nakaraang araw naman ay nagkaron ako ng meeting kasama ang mga miyembro ng isang organisasyon sa Sikolohiya. Nilalaman ng limang iba't ibang unibersidad ang nasabing pulong. Bilang batikang miyembro ng organisasyon, ako ang nanguna sa pagpupulong... madaming napagusapan, napag kwentuhan hanggang sa umabot sa pagsasabi ng tuition fee ng bawat university.
Iyong isa 2000+ per UNIT.
Ito namang isa 1600 per UNIT.
Iyong isa around 1500 per UNIT daw.
Iyong isa 1000+ per UNIT.
At itong isa, kung saan ako nanggaling 1500 per SEMESTER.
Kung merong 24 units kada sem ang nag-aaral doon sa ikatlong school ay makakapag paaral na sya ng 24 students sa eskwelahan kung saan ako nag-aaral. :) Ibang iba ang layo ng presyo ng matrikula sa mga pribadong paaralan at sa pampubliko.. at ang masama pa kahit mura na ang binabayad sa pampublikong paaralan ay dito padin makakatagpo ng madaming naghihikahos sa pera.
TARA TULONG TAYO!!
Sabi ng kaibigan ng tatay ko tatlong bagay lang daw para maging mayaman ka sa mundo...
Una, PINANGANAK kang mayaman. Madaming oppurtunities para sayo, may mga pamana at kung ano ano pa.
Ikalawa, MAKAPAGASAWA ng mayaman. Kaso matatanggap kaya ng isang mayamang pamilya ang isang lalaking katulad ko na ubod ng hirap at hikahos sa materyal na yaman sa mundo. Baka isipin pa ng taong mahal mo e pera lang ang habol sa kanya... whew!
Ikatlo, PAGSUSUMIKAP. Ito na lamang siguro ang malinaw linaw na pwede kong magawa. Nais kong pag aralin ang magiging anak ko sa nais nyang paaralan kahit magkano pa ang bayad dito. Makakaraos din sa hirap. Tiwala lang sa sarili.
And edukasyon ay nananatiling karapatan ng isang tao kaya bilang mga nakakaalam nito, magsumikap tayo na maghandog ng opurtunidad upang lahat ay magkaroon ng pagkakataon upang maka pag-aral.
Nais kong pasalamatan lahat ng nagpapautang sa akin... kilala nyo na kung sino kayo. Makakabayad din ako. :)
Sunday, June 27, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment